Miyerkules, Hunyo 29, 2011

Katuturan

Madalas kong puntahan at kuwentuhan si Ruby kung kumusta na nga ba talaga ang relasyon ko kay Ronald. Kung paanong natitiis ko ang kagaguhan niya sa akin at sa relasyon namin.

Nakilala ko si Ronald noong nakaraang taon sa Ortis, adik na siya bago ko pa man siya makilala, at ako katatanggap lamang sa Jazzy Salon kung saan hanggang ngayon ay doon pa rin ako nagtatrabaho bilang beauty expert, tagameyk-up, tagagunting at madalas tagalaba ng mga pinaggamitang gamit sa parlor.

Layuan mo na siya habang maaga pa, Bern.


Madalas ko itong marinig kay Ruby sa tuwing hinihingi ko ang payo niya sa relasyon ko kay Ronald. Hindi na mabilang ang pasa ko sa katawan simula nang magsama kami ni Ronald. May mga pasang madaling gumagaling, tulad ng mga pasang handog sa akin ni Ronald. Iiiyak ko lamang ang mga ito, iyayakap sa kaibigan at magiging okey na ako pagkatapos.

Layuan mo siya habang maaga pa, Bern.

Ngayon, alingawngaw na lamang sa aking isipan ang payong ito ng kaibigan. Mag-iisang buwan na mula nang mailibing siya. Malungkot pa rin ako para kay Ruby. Sinasaktan pa rin ako ni Ronald paminsan-minsan. Pero, totoo palang higit na masmasakit ang pagsasalita ng masama at pagmumura sa asawa o bana. Tumatagos ito at pumipilas ng kaluluwa at pagkatao.

Ayoko na, layuan mo na ako.

Ang rason kung bakit sinaksak si Ruby ng kanyang bana. Ang rason kung bakit ngayon, takot na takot akong magsabi o kausapin si Ronald tungkol sa gusto kong paghihiwalay sana namin.

Walang komento: