Sabado, Hunyo 25, 2011

Kahit Siya'y Ano

Limang minuto pa lamang na nakababad sa dagat ng Alubijod ang katawan ni Pablo nang bigla itong makaramdam ng ginaw. Agad-agad na umahon at nagtungo sa cottage upang patuyuin ang buong katawan gamit ang asul na tuwalya. Ala-singko na ng hapon at kasalukuyang lumulubog ang araw. Katahum, diba Pablo? Waring binalaybay ni Rebecca. Paboritong makatang feminista at guro ni Gaby sa UP. Hindi maalis ang titig ni Pablo sa lumulubog na araw. Ambilis. Hindi ko tuloy alam kung malulungkot ako o masisiyahan sa paglubog nito. Agad na ibabaling ang tingin kay Gaby. Ikaw, Gaby, masaya ka ba ngayon? Alam ni Pablo na sasagutin lamang siya ni Gaby ng oo o hindi. Nagtatampo ka pa rin ba sa akin? Hindi ba’t masyado namang OA kung hanggang dito sa Guimaras, e dadalhin mo ‘yang tampo mo. Mabilis na nagdilim ang buong resort ng Alubijod, tanging ang mga sulo lamang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Romantiko ang mga tagpong tulad nito diba Gaby? ‘Yong alam mong tayong dalawa lamang ang magkakilala sa lugar na ito, tayong dalawa lamang ang magsasalo sa buong magdamag. Tatayo si Gaby at magtutungo sa dalampasigan. Ang sarap-sarap sa pakiramdam, Pablo. Ang hampas ng alon sa buhangin, ang maliliit na huni ng kurulaknit galing sa kung saang kuweba, ang init ng mga palad natin at ang di mabilang na bituin sa langit. Totoong wala nga siguro akong karapatang magtampo ngayon. Ano pa ba ang mahihiling ko pagkatapos ng ilang taong pagpapagapos sa unibersidad? Nasa akin na ang gabi at ang isang ikaw. Ipangako mo ngayon Pablo, na sa akin ka lang at ako lamang sa ‘yo. Bumilis ang tibok ng puso ni Gaby. Ang hirap sakyan ng gabi. Mahirap lokohin ang sarili, Pablo. Bigla. Waring naghunas ang tubig sa dagat. Nawala ang mga bituin sa langit at binalot ang gabi ng malungkot na katahimikan. Pablo, hindi natin maaaring pilitin ang ating mga puso, wala tayong karapatang ikulong ito sa lahat ng posibilidad at pagkakataon. Tao lamang tayo at umiibig. Kailangan nating mabuhay.

Walang komento: