Sabado, Disyembre 3, 2011

Linggo, Isang Binalaybay

Estranghero tayong lahat nang nagsimula
malamang, parehong nalikha ang ating lakas
mula sa malilikot nating pangalan.

katulad ng gabi, nagdaraan tayong lahat sa lawak nitong kalibutan,
katulad nang mga nauna, dinadalaw tayo ng isang panahon,

at dahil walang masama sa pangungumusta at pagbati
nakikisalo tayo sa munting liwanag na sumabog sa lupa,

at sa pagtantong madali nitong tinatanggap ang mga tulad natin, estranghero
nagkalakas loob tayong gamitin ang natitirang himala sa dulo ng ating dila,

at doon tuluyang nabuo ang isang uniberso, kung saan ang lungsod
ay pinatatakbo ng oras at mga nagkalat na matatalinghagang pangako.

Ngayong gabi’t walang pag-andap ang buwan
inihihingi ko sa ‘yo ng tawad ang nakaraan kong kalibutan
ang mga luhang pangkaraniwan, ang mga galos sa aking balat,

ang sanlaksang alingasaw ng napanis na binalaybay, ang pagod-hingal,
at ang nananahang init sa kaibuturan nitong kaluluwa.

Ang lahat ng ito’y kasama kong humaharap sa ‘yo,
kasama ng aking teritoryo, buo

hayaan mong ako mismo ang magbaklas ng gunita’t saplot
gamit ang aking labi, sa aking kaluluwa, espiritu,

at sa ating mga pagitan.

Estranghero tayong lahat nang nagsimula
kaya ngayong gabi’t walang pag-andap ang buwan

paulit-ulit, hayaan mong isilid ko ang gilas ng iyong pangalan
sa panahon at katawan, kung saan ang nakaraan ay sadyang alikabok na lamang

sa hubad na talata’t unti-unting namamatay.





Guimaras
Agosto 2011

Walang komento: